“panalo si panday!”
ang aking narinig,
at nagkandaugaga
ang makating tainga,
mapusok na dibdib,
at “mapagpalayang tinig.”
panalo si panday?
kilay ko’y nagtaas;
paanong nanalo,
samantalang ang nunal
ang siyang nagpasasa
at ngayo’y nakaupo
at ngayo’y nagtatago
sa bulwag ng kongreso.
panalo si panday!
hindi ba’t kaygaling?
ngayo’y iba naman
ang bubusisiin:
imbes na ang kaso
ng mga ampatuan
ay kanilang tapusin.
panalo si panday?
panalong paano?
kung bawat botante
at tao ng media
ay napapaikot
at nagpapaikot,
at ang bawat isa
ay kaydaling makalimot?
panalo si panday!
nasupil niya pala
at kanyang nagapi
ang tiyanak na hangal,
ang ganid na nunal!
pero teka, sandali,
bakit siya nakalibing
kung siya ang nagwagi?
panalo si panday?
nais kong maniwala,
na siya’y totoo nga.
ngunit kung ang nangdaya
ay di maparusahan
at imbes ay tapunan
ng laksang karangalan
at yaman ng bayan…
mas dapat magwala.
—-
just my gut reaction to the news about the comelec recount – written july 20, 2011.