Pebrero 2010


nagtataka ako
sa mga salitang nagpapahiwatig
ng dami…

gaya ng
sandamakmak,
at sangkatutak;
at pati ang sansinukob…

bakit lagi silang isa?

sandamakmak, sabi nila,
ang kabuktutan ng pandak na nunal;

pero bakit hindi pwedeng dalawa?
o tatlong damakmak,
o mas marami pa…

sangkatutak na pati, anila,
ang kasinungalingan niya;

pero sigurado ba tayo,
na hindi sampung katutak,
o katu-katutak pa?

at bakit iisa ang sinukob?
paano na?

sa’n pa tayo pupunta
para lamang makatakas
mula sa kasakiman niya?

kung dalawa sana ang sinukob,
pwede din sana natin siyang
isadlak sa kabila…

pero teka…
pag nagkataon, kawawa naman pala sila.

dahil pebrero na,
bubungkalin muli’t uungkatin
ang bagay na kaytagal ko nang itinago,
na kung tawagin nila’y
damdamin.

pebrero na kasi,
kaya’t bakit hindi?
isang baldeng karam na pantagpi
sa pira-pirasong bahagi
ay sapat na marahil para dito
sa nagnanaknak
na bomba ng dugo.

pebrero na, di ba?
at ang mangarap naman hanggang ngayon
ay libre pa,
kaya’t itatanghal ko siyang muli;
puno man siya ng peklat, at uban, at hapdi,
muli akong magbabaka-sakali,
baka naman ngayong taon
ay daratnan ako ng kaytagal ko nang hangad
na ngiti.

pebrero na naman;
ano kaya?
malalamnan na ba ngayon
ng pangalan at mukha
ang kaytagal ko nang tinutula,
na aking lakambini at mutya?

pebrero na muli;
ang tangi kong hiling
ay kung mahanap ka,
na huwag na sana pa
akong magising.