kaya ba ng isang mandirigma
ang mag-angat ng kalis
matapos latayan ang buo niyang katawan
ng haplit ng lintik,
humahaginit sa bawat hagupit?

bawat pulgada ng taglay niyang balat
ay binabalot ng apoy,
nanginginig,
at ang bawat kilos ay pagdaloy ng kilig,
pag-agos ng nakalulunod na sakit.

paano magbubunot ng balaraw,
paano magtatanghal ng baluti,
kung ang mga daliri’y ayaw bumuka
at maging ang diwa’y balot ng diliryo,
hukob sa mundo ng hapdi?

kaya bang tumayo ng isang bayani
sa buhos ng asin at alkohol?
ano ang saysay ng pluma,
ano pa ang sagisag ng bala,
kung kitil na halos ang kanyang kaluluwa?

ngunit ito ang larangan ng simbuyo:
ang kayanin ang bawat sugat, at tumayo!
sa gitna ng luha at dugo,
ang iangat ang kalis at humayo —
paglisan ng lahat, ang matitira’y puso!

hindi dahil napawi na ng tapang ang hapdi,
ngunit dahil dapat siyang kayanin
upang magwagi.