ikaw itong batang nagpamahal sa akin
ng mga pag-iisip na bago sa damdamin:
kung bakit patay ang dalawang naging isa
at bakit kailangang pagsamahin sila;
kung bakit ang liwanag ay dapat abutin,
ikamatay ko man ang apoy ng bituin;
kung bakit ang wika’y dapat gawing bantog
sa isip, sa diwa, at gawing bantayog
ng bawat kong galaw, hangarin at dimdim;
kung bakit sa bayan ang buhay kong angkin.

ikaw ang binatang nagpatunay sa mundo
sa katalinuhan at galing ng indio:
na hindi siya unggoy gaya ng akala,
kundi isang paham na mandi’y dakila;
na hindi siya barbarong walang inang bayan,
kundi Pilipino — maharlikang angkan!
na hindi siya mangmang na walang kasaysayan,
kundi isang haring pinagnakawan lang
ng dayuhang nagpanggap na kanyang kaibigan;
na hindi siya duwag, at hindi talunan.

ikaw ang Malayong naglunsad ng digma,
nagsindi ng ningas, nagbunsod ng sigwa:
ikaw, Dimasalang ng diyaryong la soli;
si ibarra’t simoun ng noli at fili;
ikaw, Laong Laan na lagi ngang handa
upang paglingkuran ang inang inalila;
ikaw, jose rizal ng liga filipina,
ulong ilustrado at kanilang bandila,
na sa katipunan ay sagisag at mutya —
ikaw na pinaslang bilang pagparaya!

ikaw itong tanod nitong aming landas:
ang pluma mo’t tinig, at huling pahimakas,
ay tanda naming lahat, at siya naming lakas,
sa pagpanday nitong pangarap na bukas;
sa aming kabata, at nakababata,
ikaw ang bantayog at siya naming tala;
ang hangad mong laya na bunsod ng dunong
ay amin pang tanda, at amin pang kanlong…

sa gitna man ng daming samu’t saring tanong —
ikaw pa rin, pepe, ang bayani ng ngayon!