dalawang buwan na kaybilis
mula sa maalinsangang hangin,
at mga maalikabok na kalsada,
kay tahimik dito,
hindi ako mapalagay
sa kay luwag na langit,
sa kayliwanag na paligid,
hinahanap ko ang musika
ng mga tambutsong mauusok
at mga nagsisigawang mga drayber,
ang takatak ng mga kahoy na kahon
ng mga nagtitinda ng yosi at kendi,
at maging ang mga mapangahas
na pagpasok ng mga gusgusing bata
upang kunwaring punasan ang mga sapatos
at paa,
hanap ko ang musika ng lungsod
ng maynila;

iba ang hangin dito,
tuyo at walang haplos-lamig,
hindi ka pagpapawisan
bagkus magkakaliskis ang iyong mga kamay;
hindi ko na maisip
kung bakit ako dati nagrereklamo
sa mga maalinsangang tanghali
at mga magdamag na bentilador
na mainit pa din magbuga ng hangin;

naaasiwa ako
at hindi ako makalanghap
ng amoy ng estero;
nasaan na ang mga pang-araw-araw
na aking karanasan
sa kahabaan ng taft avenue?

tag-init ngayon,
hintayin ko raw ang tag-niyebe.

ngunit paano?
samantalang sa pinaliit na mundong ito
ay alam kong naglulunoy sila
sa ulan at baha,

hindi ko malimot
ang manghang pagtitig ko rati
sa takip ng imburnal
na umaalagwa
sa dami ng laman niyang baha…

dito, araw-araw ay may nagkukumpuni
ng kalsada at kanal;
aasa ba akong makita ‘yon muli
dito?

nasanay akong ang pag-ayos ng kalye
ay ginagawa lamang
pag may eleksyon;
minsan sinilip ko ang mga trak
at mga pison
kung kaninong pangalan
ang nakalagay sa proyekto…
wala akong makita, kahit isa.

saka ko naisip–
wala na talaga ako
sa bayan ko.

hindi ko rin maisip kung kailan
nang huli akong kumain ng manok
nang hindi ito itinatapon
nang hindi basag ang mga buto
at sipsip ang utak nito…
dati-rati, mahihirapan ang langgam
maghanap ng makakain sa aking tira;
ngayon,
hindi ko matanggap
na walang makikinabang
sa laman-laman pang naiwan
sa aking pinagkainan.

hinahanap ko ang luha
upang pighatian ang ganitong kalagayan
samantalang sa aking iniwanan
ay may mga naghihikahos
makaamoy lamang
ng ulam.

sabi nila
walang payat na ‘merkano…

alam ko na ngayon
kung bakit ganito.

maya-maya lamang
tatakbo akong muli
at magmumuni-muni…
kung bakit isang linggong kinikita
ng maliliit na empleyado
dito
ang isang buwang pinagpapaguran
ng propesyunal
sa aking bayan.

noon, ay baha ay alinsangan,
ngayon,
tuyong hangin at kabusugan.

mayroong mali rito, alam ko.
hindi ko lang alam
kung pa’no sabihin ito.