bakit ba ayaw kong tumigil magsulat

ng mga katagang ayaw namang magtugma,

at ng mga linyang hindi ko rin naman alam

kung ipapabasa ko sa iyo?

 

bakit ba ako inuumaga sa pag-iisip,

hindi mo naman sinasagot ang mga mensahe ko sa yo,

pero heto, para akong bata,

patuloy sa pagsusulat ng mga korning tula.

 

tanda ko pa nang una kang makita,

at pano ako nagkunwang maupo sa harap

para makatabi ka at aking masilip

ang iyong pangalan sa kwaderno mong bukas.

 

bakit ba ayaw tumigil ng aking diwa,

nagpapatalo sa tibok ng mangmang na puso;

nakikipag-away na naman

ang aking haypotalamus

sa silakbo ng dugo.

 

hindi ka naman kasi mahirap mapansin

at ewan ko ba kung bakit

bakit ba ayaw kong tumigil magsulat

ng mga ambisyosong salita

 

gaya ng pag-ibig

at ng pangalan mo,

pangalang minahal ni Rizal,

at ngayon,

                        maniwala ka man o hindi,

pati ako.

 

siguro ganun talaga,

hindi ako dalawin ng antok,

hawak pa kasi ng mga daliri

itong nagmamakaawa nang pluma.

 

nakalutang ako sa alapaap ng mga salita,

nagtatampisaw sa dalampasigan ng naalala mong ngiti,

kaya’d dirito muna ako,

magkukunwang kausap ka,

habang nakangiting parang mangmang

dahil ayaw,

ayaw,

ayaw ko pang tumigil magsulat

hangga’t hindi ko marinig

ang tilaok ng umaga…..

 

—-

edited from the original

original written july 27, 2005 at 1:27 am (House of Joy)

i was one month into beginning this semester for my MS physics class on electromagnetic theory, and we had this pretty classmate, josephine. i wrote this for her.  found the original in my box of drafts… no, i never gave the poem to her. it was droll, and too corny in its original form.  written in the aparmtent we used to call the house of joy.