alam mo ba ang pakiramdam ng mawalan ng isang bagay na hindi mo inaasahang mawawala sa iyo? at pagkatapos ng mahabang panahon ay parang bulang bigla mo itong matatagpuan muli? nangyari na ba ito sa inyo? naaalala ba ninyo kung ano ang inyong naramdaman? may sapat bang salita upang lubos na maglarawan ng inyong damdamin? sa akin, wala. walang wala.

madalas na akong nawalan ng mga gamit, lalo nung aking kabataan. sapatos, laruan, isip, halos lahat na atang bagay na pwedeng mawala ng isang bata, nawala ko. ngayong ako ay hindi na matatawag na bata, ganun pa rin. madalas pa rin akong mawalan— ng pera, ng oras, ng pagkain, ng liligawan… parang katulad tuloy ako ng bata sa awiting “hari ng sablay” (sa mga nakapanood na ng bidyo nito, alam ninyo ang ibig kong sabihin), na pagtanda ay akala mo wala na, tapos na ang kanyang kasablayan. pero hindi pa rin pala. ganun naman eh, natuto ka ngang iwasan ang mga napagdaanan mo nuong bata ka pa, pero maraming bago, maraming bagong paraan upang ikaw ay sumablay muli. ganun din sa akin, andami pa palang bagay na pwede kong walain, kagaya ng cellphone, at mga kaibigan.

ngunit kagaya sa talinghaga ng pastol na nagbunyi at nagdiwang nang muli niyang natagpuan ang nawalang tupa, gayundin ang nais kong gawin ngayong muli ko nang natagpuan ang isang bagay na akala ko ay hindi ko na muli pang makikita. ito ang bagay na tinanong din sa akin ng isang kaibigan ko sa text (textmate kung tawagin ng karamihan)– “ano ang gagawin mo kapag bigla kang makatanggap ng email mula sa kanya”? madaling sagutin kapag ang nawawala ay patuloy na nawawala. ngunit kapag nariyan na siyang muli…. ah, kayganda ng paligid! kay ligaya ng lahat!

hindi ko minamaliit ang sinisismo (cynicism) at kabiguan ng mga patuloy na bigo. galing na rin ako sa larangang ganyan. ngunit paminsan-minsan, alam ko ring damhin ang kaligayahan ng isang nangitian ng mundo, kahit isang saglit lamang, kahit panandalian lang. carpe diem, ika nga. sunggaban mo ang sandali! (o, kagaya ng sabi ng isa kong kaibigan, “mga kapre sila!”, pero siyempre sarili niyang diksyunaryo ang gamit nya) malay ko bang baka bukas ay tag-ulan na naman sa mundo ko, di ba?

ngunit sa katotohanan lang, mawala na ang lahat ng materyal na bagay sa mundo, kahit na ang blog na ito ay malusaw at hindi na matagpuang muli, hindi ko ito panghihinayangan (well, sa totoo lang maiiyak din ako) basta ang mga bagay na tunay na mahalaga para sa akin ay patuloy kong madarama— ang simoy ng basura sa payatas, ang kagat ng isang dalmatian sa aking binti, ang tusok ng karayom sa aking gulugod, at iba pang mga kabaligtaran ng mga ito, alam ko, makakaya ko pa ring ngumiti. lalo ngayon, kahit ngayong araw lamang, alam ko kaya kong bunuin at pagtagumpayan ang lahat ng kapre sa mundo!