bakit nagmamadali ka? saan ka pupunta?
sandali lamang, makinig ka muna;
tignan mo ang paligid, dumidilim na.
ipagpabukas mo na lang kung aalis ka talaga.

hindi maghihintay sa akin ang panahon.
mayro’ng tawag-tungkulin, may haharaping hamon.

ang bilis mo mag-isip, ang daming nais matapos;
sandali lamang, huwag basta hahangos
sa mga larangan nang padalos-dalos;
gumagabi na, baka ka matisod.

walang bukas-bukas, iisa lamang ang ngayon;
mayro’ng tawag-tungkulin, may haharaping hamon.

hindi madali ang mabuhay sa gubat;
sandali lamang, mayro’n ka nang sugat.
anong bala itong di ko maawat ang tagas?
namumutla ka na, di pa ba yan sapat?

may tawag-tungkulin pa, may haharaping hamon;
ibinigay ko na’ng lahat, ngunit kulang pa ‘yon.

bakit kay tahimik mo? ano’ng iniisip?
sandali lamang, bakit ka nakapikit?
lumuluha ka pa sa pananaginip;
nasa’n na ang sigla? nahan na na ang bilis?

kayrami pang hamon, at tawag-tungkulin;
di ko inakalang ako’y papagalin.

bakit ka nasa sulok? bakit nagmumukmok?
sandali lamang, bakit nakalugmok?
at nahan na’ng pluma, at tulang pandagok?
nahan na’ng mga tanong, at ang mga sagot?

lintik! ano ka ba? huwag mo ‘kong guluhin!
sawa na ‘ko sa hamon, pati sa tungkulin!
hindi ba’t noon ay pinapatigil mo ako?
bakit naman ngayon ay itinutulak mo?