sayang naman kung di ko susundin
ang tawag at bulong ng talinong angkin,
sayang naman ang mga salita
na sumasayaw-sayaw sa isip ko’t diwa.

sayang naman ang umagang tinig
na may dalang kulay sa bawat silahis
kung walang mapukaw na himbing na bisig
upang gumising siya, at upang magtindig.

sayang naman ang sigaw ng tanghali
kung walang katapat na haranang labi
upang maibsan ang bigat ng pagpagal
sa apoy na titig, upang makatagal.

sayang naman ang hapon ng araw
kung ang himno sa hangin ay hindi pupukaw
sa aking pandinig, at pakikiramdam;
sasaan ang ngiti sa pamamaalam?

sayang naman ang pagtatakip-silim
at pangungumusta ng buwan at bituin,
sayang ang sinag, ang kislap, ang dilim
kung walang sasaliw na melodya ng dimdim.

sayang naman ang lalim ng gabi
kung katahimikan ang mamamayani,
kung walang sisigaw na tinig, o pulso,
kung pipi ang bawat lalamuna’t puso.

at sayang namang lalo kung di ko isigaw
ang awit ng alab ng bawat kong galaw
na ikaw ang pumukaw at nagpasimula,
na epikong tunay sa bawat kataga:

“ito ay totoo, at mapapatunayan
sa bawat atomo ng aking katawan,
at sa bawat hibla nitong kaluluwa,
isa lamang ang awit: minamahal kita!”