May tatlong piraso ang kalungkutan.

Una, ay ang katahimikan;
siya ang nag-aanak ng agam-agam,
mga guni-guning tutunaw nang kusa
sa pedestal ng pagtingin,
ng ilang taong pangangalaga;
at ang dating ingay
sa pagitan ng dalawang kaluluwa
ay mapapalitan nitong bangin
ng mga nangungusap na mata,
at impit na ngiti,
at ng kalaunang
pagwawalang-bahala.

Ikalawa, ay ang pag-iisa;
siya ang nag-aanyaya ng mga tanong,
ang paghahanap ng sagot sa sumbat at sumbong;
lalakad ka na lang sa kumpol ng nilalang,
magpapatianod sa ingay at simoy ng pawisan,
makikisabay sa mga tugtog,
makikingiti, makikitawa,
kahit na ba ang siksikang kalagayan
ay hindi pa rin sapat upang tanggalin
ang pagitan ninyong mundo-mundo ang layo;
at tatanungin mo ang sarili
kung gayon din kaya ang pakiramdam ng bituin,
silang siksikan sa langit tuwing gabi,
ngunit lawak ng sansinukob ang layo sa isa’t-isa;
at uuwi ka’t magkukulong sa silid,
bubuklat ng aklat, magpapalunod sa mga pahina,
upa lamang mapalis sa isip at makaligtaan saglit
na wala ka palang kasama.

Ikatlo, ay ang pagtanto…
na ilang buwan na palang
panis ang laway mo,
at nabasa mo nang lahat
ang mga napamiling aklat…
at patuloy na tahimik
ang selpon na laging nakasaksak,
laging full-bat.
saka mo ililingon ang iyong mukha
sa papalubog na araw,
sa papahabang mga anino,
sa unti-unting pagdilim, at paglamig, ng paligid….

at ang mga perlas
na mainit, at maalat,
ay saka lamang papatak.