dumating ang takipsilim nang di ko namalayan,
nasumpungan na lamang ang buwan sa ‘king pagtingala,
at ang mga bituing kumukurap-kurap, at ang dagat,
malaginto sa pagkaway ng mga huling daliri ng araw,
namamaalam sa ilalim ng kumot niyang salamin.

una kong natanto ang dilim ng gabi sa ginaw ng hangin,
at ang kinig ng balat sa kanyang haplos
ang sa aki’y nagbukas ng pandinig
sa tawa ng kuliglig at tambol-hiyaw ng palaka,
na sa wari ko’y nangungutya,
nag-aanyaya ng galit at hiya.

unti-unti ko nang natatanggap ang paglagom ng paligid,
kasabay ng tawag-bulong ng pag-idlip;
alam kong inaantok na ang panaginip,
bumabagal ang lukso ng pulso,
at kaakbay ng pagtikom ng mga mata,
kailangan na rin munang mahimbing itong pusong
ilang taon ding tumanod sa iyo.