nakatutuwang isipin na ikaw ay nalulungkot sa mga bagay
na kung ihahambing sa lawak ng uniberso
ay hindi man lamang ito singliit ng alikabok…

bakit hindi mo paliparin ang iyong kamalayan
at hayaan nitong abutin ang mga kasagutan
sa mga tanong na di-maarok ng kasaysayan,
gaya ng
“ano ang walang hanggan”
at “ano ang ilang taon sa tabi nitong kawalang hanggan”,
“ano ang aking saysay sa mundong ito”
at “ano ang uulamin ko mamaya”.

ang mga tanong na ito
ang tunay na magbubukas
ng mga pintong hindi mo inasahang
nakapinid pa pala,
at ang mga kasagutang matatamo mo
ay magbubukas ng iyong mga mata
sa tunay na kahulugan
ng kagandahan, pag-ibig, at luha.

ang hapdi ng mga sugat
na sa ngayon ay akala mong lalamon sa iyo
at hindi na maghihilom
ay napakaliit na galos lamang
kung ihahambing sa mga nakaambang latay
ng hamon ng buhay
na naghihintay pa sa iyo.

naghahangad kang makasumpong
ng kapayapaan
at pag-imbi ng kirot sa iyong dibdib.

ngunit sinasabi ko sa iyo,
mapalad ka
at ikaw ay nakararamdam pa
ng kirot at pait,
sapagkat ibig sabihin nito’y
hindi ka pa manhid
sa mga walang kapakundanganan
ng mga kapwa mo tao,
na kaibigan mo pa ang ilan.

ngunit kung ang gagamba
ay walang imik na muling babangon
at maghahabing muli ng kanyang sapot
matapos lusawin ng hangin at ulan
ang katatapos niya lamang mabuong pinaghirapan,
bakit ikaw na anghel,
ikaw na isang baitang lamang ang layo
mula sa mga nilalang ng langit,
ay agad mababawian ng tapang
sa sandaling kapalaluan ng taksil na pangako?

masdan mo ang mga bulaklak sa parang,
na kahit sasandaling panahon lamang
ang kanilang inilalagi sa mundo
ay ginugugol ang panahong iyon
upang kulayan at pahalimuyakin
ang buong kaparangan.

o di kaya’y ang batong ipinukol
sa tahimik na tubig,
na sa kanyang pagkalunod
ay nag-iiwan ng mga bilugang alun-alon
na papalaki at papalawak,
at mula sa gitna ng lawa,
maging ang pasigan ay mahihipo
ng mga along yaon na iniwan
ng napakaliit na bato.

ikaw ay mas maharlika sa mga ito.
ikaw ay mas matayog
at mas matingkad ang dala-dalang liwanag
sa iyong kaibuturan.

bakit mo hahayaang madaig ka
ng mga panandaliang haplit ng hapdi?
bakit hindi mo iangat ang iyong noo
at sabihin sa madla
at sa palalong babilonia
na ikaw na anak ni israel
ay hindi kailanman padaraig at padadala
sa mga pagkutya at tinig ng putikan!

ikaw na maharlika,
ikaw na sultan o sultana, babaylan o lakan,
ikaw na prinsipe o prinsesa,
pakatandaan:
huwag mong hayaang
sa huwad lamang mapupunta
ang ginto at perlas ng iyong mga pangarap.

may naghihintay sa iyo,
higit at higit pa
sa rurok ng kakayahan mong matanto.

at kukunin niya ang iyong mga kamay,
papahirin ang iyong mga luha,
patitingkarin ang ngiti ng iyong kaluluwa,
at walang hangganang aalagaan
ang iyong dalisay na puso.