lumalamig na ang gabi, ligaya,
ikaw pa rin,
bakit nariyan, nakayuko, nagsusulsi ng bulsa…

“at bakit hindi, baldomero,
kung ikaw nga,
sa pagpipiga ng pera, kahit na barya, ay subsob ang ulo…”

nakatulog na sa pagod si neneng, ligaya,
bakit mo tinikis
ang luha’t hinagpis ng gutom nang paslit…

“at ano’ng gagawin ko, baldomero,
kung maging ako nga
ay tuyot na’t wala nang maigatas sa bata…”

lumalalim na ang lagom sa paligid, ligaya,
nag-aabang ka ba
sa yabag ng lasing at walang kuwenta kong paa…

“at ito ba’t kasalanan, baldomero,
ang maging tulad ko,
na umasa’t umibig sa isa palang diyablo…”

inaantok na ang alulong ng aso, ligaya,
nakaluhod ka pa
sa tabi ng tarangkahang sinandalang tabla…

“tama na’t manahimik, baldomero,
at hatinggabi na,
may tutong at tuyo riyan, ipaghahain kita…”