ang tumakbo ng matulin, sabi nila,

nadarapa,

nasusugatan nang malalim ang paa.


ngunit ang mabagal, sa aking pag-alam,

nauunahan,

napag-iiwanan sa kanyang larangan.


sinubok ko ang katamtamang tulin,

ganun pa rin,

taluna’t luhaan ang nakamit kong turing.


ngunit sawa na ako sa lasa ng alikabok,

ang malugmok,

at ang laging tumanggap ng madayang dagok.


dalawa pa rin naman ang paa ko ngayon;

ako ay babangon,

di na mgpapatalo sa tindi ng hamon!


at makakamtan ko rin ang tamis ng tagumpay,

at ang aking buhay,

di na muling iinog sa pait ng lumbay!

—-

naisulat ito 1/20/07