sapagkat ikaw siya

na pinag-ukulan ko ng oras at laway
at tinta at papel, pag-ibig at buhay,
heto akong muli at naninikluhod,
nagmamakaawa, nagpapahinungod;
magtatanong lamang naman ako sa ‘yo,
kung ba’t hanggang ngayon ako pa ri’y bobo
at ‘di ko matanggap na ang ‘yong pag-ibig
kahit kailanpama’y hindi makakamit?
ang nais ko lamang ay maliwanagan
at marinig muli ang iyong dahilan,
ano ba naman ‘yong isa muling sugat
na idaragdag mo sa sanlaksang pilat?
basta’t mapatay na at ‘di na umasa
ang puso kong bobo, makulit at tanga.
alam ko naman kung ga’no kagaling
ang bawat mong sulyap sa ganitong gawain,
bawat mong salita ay balaraw at sibat,
tatagos sa buto, kikitil nang ganap
sa bawat pag-asang hanggang ngayo’y buhay;
sabihin mo lamang – handa nang mamatay.
huwag nang itanong pa kung bakit kailangan
ng isa pang sugat; basta lang malaman
ang dahilang tunay. maawa ka sana,
kailangan ko ito – sapagkat ikaw siya.