matagal na ring naglaglagan ang mga dahon,
at ang luntian ay dilaw na sa aking paningin,
ang araw ay wala nang bangis sa aking balat,
maging ang alikabok,
sila na lamang ang aking katuwang.

bawat hakbang ay wala nang kasaliw,
at bawat kataga ko’y wala nang giliw,
hawak ko pa rin
ang pangakong bulaklak,
na gaya ng araw,
lanta na rin…

sa paglagom ng paligid,
ang bawat tala ay walang kislap na hatid,
bagkus,
bawat isa’y nagtatanong,
naghahanap ng nawawalang anino,
at bawat isa’y kasinglamig ng luhang namamahay
sa aking mga mata.