hindi ko mawari kung bakit ang tao ay naghahanap ng himala,
bakit kailangan na makita niyang maging alak ang tubig,
at maging tinapay ang bato,
kung hindi naman niya matanto ang aral
sa likod nito;

hindi ko maisip kung bakit mahalaga sa kanila na makita muna
ang bunga ng pananampalataya
habang wala naman silang ginagawa
upang maimulat at maihanda
ang puso nila…

hindi ko maunawaan kung bakit minamaliit ng iba
ang mga nagpapatotoo sa himala,
dahil lamang sa hindi ito sa kanila naipamasid at naipadama;
at hahanap sila ng pasubaling paliwanag
sa agham, sa dilim, o sa pagwawalang-bahala.

lumakad ba siya sa tubig, at nagpagaling sa ketongin?
nang hawakan ba niya ang mata ng bulag, ay napawi ang dilim?
pinakain ba niya ang limang libo,
at binuhay si lazaro?
bakit hindi mo buksan ang pandinig, ng iyong puso?

hindi ang pagkain, pagbuhay, at pagpapagaling
ang tunay na himala sa mababasa natin,
kundi ang hindi napapnsin ng karamihan —
bago mangyari ang mga ito, ay may matinding pangangailangan,
at nagpatunay sa pananampalataya ang may asam.

bakit mo bibigyan ng mga perlas ang baboy?
ito’y yuyurakan niya lamang at mawawalang-saysay ang kayamanan.
ang mga himala ay sa kanila lamang naipapaalam —
sa mga nakakaintindi ng kanyang kahulugan.

tingnan mo sa agham, at sa matematika;
aritmetiko muna bago ang algebra,
mga simpleng prinsipyo bago ang mataas,
hanggang ang isip ay handa na sa gayong tayog ng igkas.

gayundin sa espiritu at diwa ng tao;
maniwala ka muna bago matanggap ang patotoo;
humiling ka ng tama, at kung handa ka na —
buksan mo ang iyong mata at iyong makikita:
sa araw-araw mong buhay, kayrami pa rin ng himala!