mamahalin kita, ang sabi ng bayani sa buwan,
maging ang buhay ko ay iaalay ko sa yo;
minamahal kita, ang sambit ng buwan sa bayani,
sapagkat aking batid ang katotohanan sa bawat mong kataga;
sabihin mo lamang ay aking gagawin, pangako ng bayani,
ako’y maglalakbay kahit saan upang ikaw ay maangkin;
abangan mo ako sa dalampasigan, ang sabi ng buwan,
sa aking pagbaba ikaw ay aking pupuntahan;
naghintay ang bayani sa alon at pasigan,
sabik sa pagdating ng iniibig na buwan;
ngunit natapos ang gabi at lumabas ang araw,
at ang bayani ay naiwang mag-isa sa tampisaw,
hindi pala tunay kung ika’y mangako, sumbat ng bayani,
ako ay naghintay ngunit ako’y sawi!
hindi nakasagot ang buwan sa langit,
hindi niya mabigkas sa bayani ang sambit,
minahal kitang tunay, patuloy ng bayani,
ngunit wala pala akong maasahang  kapalit;
hindi na lang sana kita nakilala,
hindi na lang sana nasilayan ng mata;
ano pa ang silbi ng pag-ibig na ito?
ano pa ang silbi maging ng buhay ko?
at bago pa man nakasagot ang buwan,
tinanghal ng bayani ang kalis niyang angkin,
at sa isang iglap, sa isang biglang tulak,
ibinaon ng bayani sa puso ang talim.
at sa katahimikan ng hangin ng gabi,
lumuha ang buwan nang walang sumaksi,
sa harap ng walang-buhay nang bayani niya’t mahal,
hindi niya nabigkas ang tunay niyang dahilan…
sapagkat naroon siya! sa dalampasigan,
sabik nakatitig sa bayaning matikas
ngunit ang mga mata ng bayani ay nalinlang
sa liwanag ng araw ng kaumagahan,
at di niya narinig ang tawag at awit,
ng mahal niya at mutya, pagkat di nya batid
na naroon ito, kaharap niya mandin,
at ang buwan ay walang-lakas upang siya ay mapansin.
sa lalim ng gabi, ang buwan at bayani,
at isang pag-ibig na wagas… at sawi.