Noon — ang una kong paglalarawan sa aking sarili sa aking lumang prenster akawnt. 

kapag ang isang puting basahan, bago at malinis, ay ipamunas mo ng grasa, may sandali na ito ay magdadalawang-anyo, puti sa ibabaw, itim sa ilalim, bago ito tuluyang lamunin ng dumi ng grasa. ako iyong basahang may dalawang-anyo, kapwa tunay, kapwa totoo. kontradiksyong tawagin akong puti, ngunit hindi rin naman ako itim. ako ang paghahabulan ng anino at liwanag. ako ang pagtutuos ng araw at gabi. wala akong hindi kayang gawin, ngunit marami akong hindi susubukan dahil pipiliin kong gayon.

ako ang lawin sa himpapawid, kaibigan ng hangin at ulap, kinatatakutan ng mga sisiw at daga. ako ang balaraw na bumubulusok upang pumukaw sa natutulog na sangkatauhan. ako ang sambulat ng tinig ng bawat nakapinid na labi at puso at kaluluwa!

(sinulat ko lang ang mga nasa taas kasi “cool” pakinggan.)

dagdag-kaalaman:

kung walang higad, paano natin matitikman ang kulay at ganda ng paru-paro? at kung walang paru-paro, paano ang mga bulaklak?

———————–

Ngayon — ang aking muling paglalarawan sa aking sarili matapos ang dalawang taon

may panahon na sa palagiang paggamit ng isang basahan, hindi mo na halos maalala ang kanyang anyo at kulay noong bago pa siya. sari-saring dumi at mantsa, basura at tinga, tubig at mantika, ang dito’y nakasiksik na at hindi mo na alam kung matatanggal pa.

sa panahong gayon, ano ang iyong ginagawa? iyo ba siyang lalabhan at mabusising lilinisin upang muling lumitaw ang dati nitong kulay at ganda? pagtitiyagaan mo ba siyang ibabad sa sabon at kloroks at kukuskusin siya, gaano man ito katagal, at hindi ka mapapagod at mawawalan ng pag-asa?

o gagawin mo ba ang ginagawa ng karamihan — ang talikuran ito at ilagak sa basurahan, upang kalimutan na at huwag nang ituring na may-silbi, sapagkat sayang lang ang sabon at kloroks, at mas mura ang isang bagong basahan?

dati akong nagtatapon ng lumang basahan. sapagkat nandidiri ako noong maglaba. ngayon alam ko na ang pakiramdam ng isang basahang naibabad sa grasa. alam ko na ang hapdi ng kawalan at ng paghihintay na may pumansin sa ‘yo at pumulot, at maglaba.

ako itong basahang kagagaling lamang sa basurahan. hindi na ako kasingtingkad ng dati. hindi na ako kasingbango ng isang bagong basahan. at sana, hindi na rin kasinghambog ng aking kabataan.

ako itong lawin na nabalian ng bagwis, di na muling papailanlang nang kasingtaas, di na muling kasingbilis ng mas luma niyang pangarap. at di na muling magwawalang-bahala sa ibang kagaya niyang nasugatan at nagpapagaling.

(sinulat ko lang ang mga nasa taas kasi madrama ang dating. hehehe.)