mula sa silid ng kung saan
ika’y nakadaupang-palad ko,
hanggang sa mga email na propesyunal,
at sa aking mangha sa pagpasa mo
ng hiling kong artikulo,
nabuo ang aking paghanga
at pagtingin sa iyo.

paano ako tatanggi,
sa iyong paanyayang pagkakaibigan?

unti-unti kitang nakilala,
kahit isang beses pa lamang nakita,
tila panaginip,
tila isang kuwentong pinalaganap
ng teknolohiyang ating ginagalawan,
at pinagdarausan ng mga biruan.

kung maari ko lamang sanang ipadama
sa pagitan ng elektronikong distansya,
ang aking dalisay na pag-aalala,
at agam-agam sa bawat pagpatak
ng iyong mga luha,

papawiin ko ng aking mga kamay
ang bawat mong agam-agam at dimdim,
at ika’y ikukulong ko sa aking mga bisig
hanggang humupa ang takot mo’t nginig,
at isasalin ko sa iyo
ang aking lakas,
hangga’t ito’y kinakailangan mo.

at kung itatanong mo kung bakit
ako ay handang gawin ang mga ito para sa iyo,
para sa isang tinig na minsan pa lamang
nadampian ng paningin,
ang aking tugon —
kailan pa nangailangan ng mata
ang puso ng isang tunay na kasama?