naglakad ako sa dilim isang gabi, at nakilala kita. hindi ko alam kung bakit ko natagpuan ang iyong malamlam na mukha at ang isipan mong kay tahimik ng napakalakas niyang sigaw. ngunit alam kong ikaw ay isang kagaya ko, nalaman ko at nawari sa unang pagkakakita ko pa lamang ng iyong sulok na pinag-uupuan. hindi ko alam ang una kong inisip noon, ngunit marahil kasama na roon ang pagnanasang may makasama sa paglalakbay sa dilim ng walang-talang gabi.  ngunit mayroon akong alam na hindi mo batid, at mayroon akong itinatagong sulo na ayaw kong gamitin. sa dilim kita natagpuan, ngunit yaon ay dilim na aking ipinagbalot sa aking sarili, samantalang ang iyong dilim ay isang hindi mo ninais, hindi mo hinangad, kundi ipinagtulakan sa iyo.

ang una kong paglalakad kasama ka ay aking ikinatuwa. mayroon din palang mga bagay na matutuhan sa lansangan ng alikabok at bubog at tinik. sa ilalim ng ulap ng gabi at malagkit na lamig ng walang-hanging lamlam at dilim. 

nagbago ang lahat nang matalos ko ang iyong pagkamuhi sa dilim ng gabi na iyong kinasadlakan, kung bakit ikaw ay kailanman hindi nakatikim ng liwanag ng maaliwalas na pamamahay, kung bakit hindi mo na nakakayang umasa sa katotohanan ng mga kandila at ng dala nitong liwanag at init. at habang ikaw ay patuloy na nagsasalaysay tungkol sa natahak mo nang landas, saka ko lamang napansin ang iyong mga sugatang talampakan at ng maalikabok mong mga paa. at ang pilit mong itinatagong hapdi ng bawat tusok ng bubog sa lansangan.

saka ko lamang muling naalala na ang aking dalang sulo, na akin nang itinago dahil sa paniniwalang wala na akong karapatan pang muli itong sindihan at itanghal. at naisip ko, marahil kung akin lamang maipapakita sa kanya ang liwanag na sa akin ay ibinigay nang matagal, matatanto niyang mayroon ngang liwanag, mayroon ngang init, at tunay ngang may pag-asa ang bawat nilalang na masinagan ng dala nitong pag-asa at lakas.

at aking sinubukan na ipakita sa iyo ang isang bagong landas, isang landas na maaaring magbigay sa iyo ng bagong pananaw, na maaaring magbigay sa iyo ng pahinga mula sa sugat at lamig at dilim ng lansangan ng mga luhaan at sugatan. itinuro ko sa iyo ang landas, ngunit sa aking pagkabigla at pagkagulat, sa halip na ikatuwa mo ang aking pakay, ito ay bingyan mo ng kulay ng muhi at galit.

sabi nila, mahirap gisingin ang gising na nagtutulog-tulugan. napakatagal kong nagmaang-maangan na ako ay tulog, na ako ay sadlak sa kawalan. ngunit hindi pala. dahil ngayon, alam ko nang mas mahirap ipaalam sa isang sugatan na tunay ang pag-asa, na tunay ang balsamong magpapagaling sa mga sugat at latay at magpapawi ng pagod at luha. kung sa buong buhay mo, ang tanging natanto mo ay ang katotohanan ng takot, ang katotohanan ng hagupit ng latigong lagi nang nakaamba, at ang katotohanan ng muli’t muling pagkabigo ng mga magagandang hangarin, hindi nga ba mistulang isang napakasamang biro ang biglang pag-alay sa iyo ng malalambot na unan at kumot, malambot na medyas at sapatos, at mga kakanin at inuming magpapabusog hindi lamang ng katawan kundi pati ng kaluluwa?

at siya na aking nakilala ay ganoon. ngayon, tanto ko nang mas malakas ang takot at pangamba sa kanilang mga lumaking sugatan at nasadlak sa dilim. na ang iniaalay na rangya at pahinga ay marahil panandalian lamang at hindi magtatagal, kundi biglaan ding mapapawi na parang bula.

natanto ko ito ngayon, dahil ako rin ay naging isa sa mga sugatan, ako rin ay nasadlak nang panandalian sa lansangan ng mga bubog at tinik. ngunit paano sila, paano ang mga maharlikang lumaki sa rangya at liwanag? paano nila mauunawaan ang dilim, at ang katotohanan at takot na kaya nitong iparamdam hanggang sa kaibuturan? sila ang mga naguguluhan tuwing may tatanggi sa kanilang pagbukas ng pintuan upang magpapasok ng isang galing sa gabi. sila ang mga nagsasabing “pinili nilang maging gayon” at hindi na gagawa ng paraan upang magtanong kung bakit nila iyon pinili. sila ang mga magbubukas lamang ng pintuan ngunit hindi lalabas nito upang yakagin ang mga takot pumasok.

ganon ako dati. mangmang sa katotohanan ng takot at pangamba, ng hiya at kawalang-pag-asa.  kinailangan sa akin na maitulak palabas ng aking napiling tahanan upang maranasan ang panandaliang pagtahak sa landas ng dilim. ayoko nang muling bumalik pa roon, ngunit alam ko na ngayon ang pakiramdam ng isang nanggaling doon, laluna ang mga lumaki at nagkamalay sa dilim at alikabok.

nawa’y hindi na ako mag-aatubili pang magbukas ng pintuan at lumabas nang ilang dipa upang akayin ang mga naghihintay pumasok mula sa ginaw at hapdi ng lansangang walang patutunguhan kundi ang walang-hanggang gabi. at nawa’y maunawaan din ito ng ibang hindi pa kailanman nakaranas ng aking naranasan, upang hindi na nila kailangan pang matutuhan ito sa paraang aking napagdaanan.

hindi ko ipinagmamalaki ang aking karanasan sa lansangang iyon. hindi ko kailanman mabubura ang mga pilat na ngayon ay isa nang permanenteng sigaw sa bawat makakita sa akin. ngunit hindi ko rin ipipinid ang aking mga labi tungkol sa katotohanan ng mga bagay na aking natutuhan sa lansangang iyon.

nawa ako ay inyong maunawaan, kayong mga walang pilat na makababasa nito. at siya na aking sinubukang yakagin patungo sa liwanag ng isang nag-aanyayang tahanan, nawa ay matanto mo kung bakit kinailangan kong lisanin ang landas na aking panandaliang tinahak kapiling ka. lagi kong iiwang bukas ang pintuan, at ang sulong aking dala ay itatanghal ko sa labas upang iyong makita. nawa balang araw ay sundan mo ito at ikaw ay mabigyan ng kapayapaan at pahinga mula sa iyong nakaraan.