sa paglubog ng araw,
sa pag-aagawan ng liwanag at dilim,
ang dapit nghapon ay nagdadala sa akin
ng iyong ngiti,
at ang takipsilim ay tunay
na salamin nito,
malamlam,
may dalang lambong ng pighati,
ngunit tunay na nakabibighani,
at may pangako ng bituin.

hindi ko maiaalis
ang mga kulay ng gabi sa aking isip,
ang malagintong dagat,
ang mga sibat ng liwanag
na pumupunit sa mga ulap,
tila huling pahimakas
bago ang paglagom.

ngunit paulit-ulit kong inaabangan
ang paglubog ng araw,
at ang pagmumulat ng kindat
ng mga tala,
sapagkat sa ginaw ng amihan,
alam kong daratal muli
ang iyong ngiti,
at mapapalis mula sa aking dibdib
ang pighati.