puro ka pag-ibig! bulag ka ba?
buksan mo nga ang ‘yong mga mata!
ligalig, sigalot, at ibayong pangamba
ang sa ‘yo’y nakapalibot, hindi ganda!

Hindi ako bulag, pinipili ko lamang
Na makita’t ilarawan ang ayaw mong tingnan;
Hangga’t mayro’ng kulay dito sa daigdig,
Mayro’n pa ring ganda, at mayro’ng pag-ibig.

puro ka pag-ibig! makakain ba ‘yan?
ni hindi pa nga nabasa ng mga inukulan
ang ‘yong mga katha; gumising ka naman,
iba na ang panahon, luma na ‘yan!

Hindi ako tulog, aking mata’y mulat,
Tunghay ko at dinig ang bawat sambulat
Ng bulyaw at aklas; sa gitna man nito,
Hindi makaluma ang umibig ako.

puro ka pag-ibig! henyong romantiko,
pagdating sa pagpili, pastilan! kay bobo!
piliing mahalin muna ang bayan mo
at hindi ang dalagang hahamak sa ‘yo!

Sinong bayani ba ang hindi hinamak
Ng bayang inalayan ng luha niya’t lakas?
Si Andres, si Pepe, si Ninoy, si Roco,
Tulad kong nagmahal, tulad kong nabigo.

puro ka pag-ibig! puro ka salita!
hanggang ngayon naman, wala pang nagawa!
bumangon ka na nga mula sa paghiga!
kung tunay kang sakdal, ika’y magparaya!

Maging katulad mo na gamit ay dahas,
Tahanan ay gubat, at waldas ang oras
Na maiuukol sa ‘king paglilingkod
Sa kapwa, pamilya, at sa iniirog?

puro ka pag-ibig! anong paglingkod ‘yan?
pagbili ng suka? pagwalis ng bakuran?
paghatid sa bahay kapag siya’y naiwan?
hindi ka bayani; duwag ka lang!

Karuwagan na ba ang hindi sumuko
Sa likas na buti ng kapwa kong tao?
Kailan ba nang huling ikaw ay nakinig
Sa awit ng alab ng sarili mong dibdib?

puro ka pag-ibig! huwag mo ‘kong paikutin!
dahil sa ‘yo kaya walang nararating
ang bayang sadlak na sa dusa at dilim;
sa dapat mabuwag, bisig ang gamitin!

At kailan nagsulong ang galit at muhi?
Kailan siya nakinig sa mga naruhagi?
Ang hanging habagat na gamit ay lakas,
Ay talo sa araw na tahimik ang igkas.

puro ka pag-ibig! nalimot mo na ba
ang bugso ng galit na siyang nagpalaya
sa tinig ni pepe at andres, at sila
na samang nag-aklas sa mga kastila!

Bugso ba ng galit ang igting ng apoy
Ng kanilang tinig, o bugso ng daloy
Ng pag-ibig sa bayan, at sa kalayaan
Na daan nang taong inaasam-asam?

puro ka pag-ibig! iya’y kahinaan!
wala nang kikilos kapag pinakinggan
ang tawag ng tinig ng nagmamahalan!
puro na lang awit, puro kahangalan!

Ang tunay umibig ay hindi iiwas
Sa tawag ng bayan, at hindi rin dahas
Ang gagamitin niyang sandata sa digma,
Kundi itong kalis ng plumang malaya.

puro ka pag-ibig! kasinungalingan
na mayroong lakas sa katahimikan!
kailan ba nang huling mayro’ng pinakinggan
sa mga makatang puro sulat ang alam?

Maghintay ka lamang, ikaw ay makinig,
Ipapangako ko na itong pag-ibig
Na taglay ko’t tanghal ang magpapabago
‘Di lang nitong bayan, kundi nitong mundo!

puro ka pag-ibig! anong pangako yan!
gaano katagal ang tawag ng kailan?
hikahos at kalam, takot, agam-agam,
iyan ang damdaming lumulunod sa bayan!

Sa bawat nagugutom, alay ay puso ko,
Sa bawat luhaan, sa bawat na bigo,
Ang pluma ko’y kalis na siyang magtatanghal
Ng tinig n’yong lahat, hanggang sa Maykapal!

puro ka pag-ibig! natatawa ako
sa ‘yong kahibangan at ideyalismo;
hindi mo unawa ang mga pilipino,
kahit kailan, ang ‘yong paraa’y mabibigo.

Kahit gayon, ako ay hindi titigil
Na umasa’t umibig, kahit na makitil;
Darating ang umaga na aking pangarap,
‘Di man ‘to mamasdan, ‘di man s’ya malasap.

puro ka pag-ibig! bulag ka ngang tunay,
ang mga katulad mo ay hindi mabubuhay;
anong uring bukas ang iyong pinapanday
kung wala ka sakaling ito’y magtagumpay?

Kung wala na ako, mayroong hahalili;
At itong awit ko’y kanyang isasabi
At aalingawngaw ang aking pag-ibig,
At sa buong mundo, ito’y maririnig.

puro ka pag-ibig! walang pupuntahan
ang aking pagdinig sa ‘yong kahibangan;
mayro’n pang tumatawag sa aking larangan—
ang tunay na digma ng anak ng bayan!

Ang tawag mong digma’y mayrong pinagmulan
Na dalisay noon, iyan ang tandaan;
Para din sa inyo ang plumang taglay ko;
Ako’y nagsusulat nang mamulat kayo.

kami pa ang iyong nais na mamulat?
kami lang ang gising sa latay ng sugat!
yabang-ilustrado ang bawat mong sabat!
puro ka pag-ibig, puro ka alamat!

Darating ang araw, matututuhan mo
Na tunay at tumpak ang bawat bigkas ko;
Sa huling larangan, ang magtatagumpay
Ay silang marunong na umibig nang tunay.

Pakatandaan, at huwag lilimutin,
Na ang pag-ibig mo ang kakailanganin
Ng bayan mong sawa na sa awit ng bala,
Hindi ang ‘yong galit, hindi ang ‘yong luha.

Dinggin mo ang bulong ng tinig ng lirip,
At matatanto mo, at ‘yong maiisip:
Hindi ka bayani, kung iyong iiwan
Na lalong kawawa ang iyong naratngan.

—12/8/2005 last revision lrtii