panahon ng inggit at ng pag-iisa,
sapagkat may ka-deyt ang mga barkada,
maliban sa akin…

buwan ng bulaklak at ng tsokolate,
at ng panonood ng konsierto’t sine
ng magkakatipan…

subalit ang tanging katagpo ko’t aliw
ay papel at bolpen na aking kasaliw
sa awit ng lirip,

at sa bawat padyak sa sayaw ng tinta,
ay iginuguhit ang alay sa mutya
nitong guniguni.

kailan kayang pebrero ko matatagpuan
ang asam ng puso at ng kamalayan,
kailan kayang gabi ko masusumpungan
ang bituin ng pag-ibig at kaligayahan
nang ‘di na mag-isa?