tandang tanda ko pa
ang bawat mong ngiti,
lalo na ang umaga
nang ako ay mabighani
ng tinig mo’t yumi.

ilang ulit ba yon
na tayo ay nagtagpo?
kahit hanggang ngayon
ay di malimot ng puso
ang balani ng samyo.

koro:

minamahal kita
kahit nasaan ka man,
kahit di mo to alam.
minamahal kita
kahit na ang yong mata
ay sa iba nakatuon;
kahit na iba pa man
ang may hawak ng yong puso.

bituin kita at buwan
at liwanag sa dilim;
mutya ka’t paraluman
at panaginip ng dimdim
saan man makarating.

mahal pa rin kita
sa kabila man ng lahat;
pagkapawi nitong luha,
ikaw pa rin ang hinahanap
at maghihintay pa rin
ako sa alapaap.

(ulitin ang koro)

koda:

hanggang kailan kaya
ako maghihintay?
yaman ko at hininga
nakahanda kong ibigay
magpawalang hanggan
makamit lang ang yong kamay.

(ulitin ang koro hanggang paos ka na)