hindi ko alam ang dahilan ng iyong pagkailap,
marahil mayroong dahon sa ating pagitan
na hindi mo matawid,
o kaya isang pagkamatay ng dati’y apoy
na ngayon ay abo na’t nanlalamig.

hindi ko matalos
ang katahimikan ng iyong pagngiti,
inaapuhap ko ang dati’y sigaw ng iyong paningin,
na wala na ngayon,
kailan pa natabingan ng alikabok
ng hindi pag-uusap
ang tamis ng noon?

hindi ko maalis ang kaba ng dibdib sa gabing parating,
sabay ng pagdilim, paglamig ng hangin, at nitong pag-idlip,
hindi ko mapigil ang daloy ng init sa ‘king mga pisngi,
tanda ng pagluksa,
sa di-mapigilang pagpanaw
ng muntik nang pag-ibig.