nawala na ang tinig mong nakasanayan na,
ang bawat katagang marinig lamang,
ay napapalingon agad ako,
ay di na maririnig muli.

nawala na ang titig mong kumikindat-kindat,
laging nagpapapansin, laging tumatawag,
hanggang ako’y lumingon at harapin
ang tahimik mong halakhak,
makulay at nag-aanyaya;
wala ka na ngayon upang sa akin ay kumurap.

nawala na ang himig mong dati’y hudyat sa akin,
bawat awitin mo’y may mensaheng hatid;
ang bawat mong indak na kabisado na’t batid,
ay di ko na muling mauulinig,
di na muling maririnig.

nawala na ang mga pakpak ng balita
na ikaw ang sa aki’y nagpapaalala,
malayo ma’t malapit, ikaw ang tapat kong mensahero,
nagpapangiti, nagpapaiyak, nagpapainis,
walang kinikilingan, tahimik mong tanggap
ang bawat kong reaksyon sa bawat mong kidlat;
wala ka na ngayon upang gawin ito,
sino pa ang magsisilbing mensahero ko?

nawala na ang mga alaalang ikaw ang may dala,
ang mga pangalan ng bawat kaibigan,
tinangay mo sa iyong paglaho,
paano pa sila makikilala,
paano ko pa sila mapagsasabihan,
ngayong wala ka na
upang maging tinig ko sa kanilang tainga?

nawala na ang nag-uugnay sa ating dalawa,
ang araw-araw kong paninigurado
na ika’y aking kasama,
ay di na muling mauulit pa;
ang dati’y huling haplos ko
bago matulog, bago magpahinga,
ay di na maiuukol pa sa yo;
at ang panaka-nakang paalala mo
na pakainin ka,
hindi na ako ang sa yo’y magpapakain pa.

sino na kaya ang iyong kasaliw?
kaninong dibdib na ikaw sumasandal?
kaninong kamay kaya ang iyong kadaupang-palad?
hindi ko maisip,
di ko maatim na malirip,
na ika’y nawala sa akin
sa isang iglap lamang, sa isang tila panaginip,
sa isang maikling paglalakbay
sa loob ng isang dyip….

bukas, marahil, o sa makalawa,
malilimot din kita,
di na muling maaalala,
kapag ako’y nakaipon na ng pambili
ng mas bagong nokia.

——————
8/24/06