umiiyak ka pa rin sa ilalim ng kumot ng gabi,
nagbibilang pa rin ng talang pundi;
naghihintay ka pa rin sa hintayang pangarap,
umaasa pa ring makalakad sa alapaap.

bakit ‘di mo pa buksan
ang kamao mong bato?
bakit ayaw mong paniwalaan
ang totoo?

naglalakad ka pa rin sa buhanginan ng kahapon,
nagtatampisaw sa dalampasigan ng noon;
lanta na ang mga bulaklak ng pagkakataon,
ngunit sa ‘yo, wala pang nasayang na panahon.

bakit ‘di mo pa imulat
ang matang nakapikit?
bakit natatakot kang isulat
ang masakit?

ilang gabi ka nang nag-aalaga ng lungkot?
natutuwa ka ba sa bunga niyang salimuot?
tapos na ang bagyo, may bagong araw na’t kanta;
piliin mong yakapin ang dala nitong ganda.

bakit ‘di mo pa itapon
ang patay nang pagtingin?
buksan ang puso mo ngayon…
sa akin.