paano ako guguhit ng alaala
ng lugar na sa tanang buhay ko
ay limang ulit ko lamang nakita?

ang dala ng isip ko ay ang hangin,
at ang dami ng huni ng ibon at kulisap,
at ang tayog at lapad ng mga puno sa dawag;
doon ko unang naramdaman ang maging
kasaliw ng kalikasan,
nakahiga sa damuhan sa gabi,
nakatingala sa langit,
nagbibilang ng bulalakaw, nagbibilang ng araw,
nagbibilang ng bala

ngunit itinangi ko na
ang lugar na pugad ng engkanto’t engkantada,
ang pagpunta rito ay tunay na paglisan
mula sa ingay at salimuot ng lungsod,
at pagtuklas sa mga alamat,
gaya ng buko pie,
at preskong gatas ng kalabaw,
at ng ningning ng kanayunan

dati hindi ako naniniwala kay mariang makiling;
mas kapani-paniwala ang mga hiwagang bumabalot
sa fertitlity tree (daig ang ubando
sa bisa ng birtud,
kahit hindi ka magdasal),
at sa lumalaganap na kamangmangan
ng mga de-kotseng iskolar ng bayan (where ba na you?
dito na me!),
at sa hapunang gratis mula sa kung saan
(huwag ka nang magtanong, kumain ka na lang)

ngunit kailangan ng tao ang isang higit sa kanyang sarili
upang paniwalaan, at pag-alayan ng lahat;
at sa lipunang tinalikuran ng, o tumalikod sa
(ikaw ang magpasya) maykapal,
pipiliin kitang awitan,
engkantadang guni-guni nitong kawal ng tinta,
ngayong muling paglagom,
at nitong huling pagkasa.