Kahapon nagtanong sa akin ang araw,
”Kailan ka ba huling nagtaas ng balaraw?
Ba’t ka nagkukubli sa katahimikan
Kung mayro’n kang tinig na dapat pawalan?”

Sumabad ang hangin, mayuming nagbulong,
“Kailan ka ba muling tutugma’t sasaknong?
Hindi maghihintay sa ’yo ang panahon,
Kung ’di ka sasagwan, dadalhin ka ng alon.”

Nagdagdag ng kuro ang awit ng ibon,
”Ikaw ba ay pipi at bulag na ngayon?
Dinggin mo ang ingay, sigalot at ningas,
Bigyan mo ng puwang ang iyong pahimakas!”

Napangiti ako at napapag-isip,
Nakanti sa bintang ang duwag na lirip,
Atubiling labi, at pusong may kaba;
Kung hindi kikilos, kailan pa, kailan pa?

Sa pag-iisa ko, paulit-ulit nang
Sinabing mahal ko ang lupang hinirang;
Anong patunay ko sa tayog ng angkin
Kung ang aking dugo’y ’di padadanakin

Sa katas ng pluma, sa sayaw ng daliri,
Sa pag-uunahan ng isipa’t labi?
Kung ’di ko ibubuhos ang laway ng tinta,
Ako ay papanaw nang walang nagawa.

Kung ako’y tutula, mahabang-mahaba,
Hindi na uupo kapag nagsimula,
Hangga’t mayro’ng lakas, hangga’t may hininga,
Hangga’t mayro’ng bihag, at may tanikala.

Ako’y alikabok, o patak sa dagat,
Ngunit mayro’ng tinig, at mayro’ng pangarap,
At kung sa paglingkod sa bayan kong sinta
Ito’y matutupad, handang magparaya!

Kung mayroong puso akong maaantig,
Kung mayroong taingang sa ’ki’y makikinig,
Kung mayroong buhay na mapapanibago
Dahil sa taludtod na maiiwan ko,

Kahit siya’y iisa, kung baka sakali
Maunawaan niya at maisalabi,
Sapat nang pag-asa at tulak ng hamon:
Ako ay tutula magsimula ngayon!