ito ang kulay ng iyong kaalaman,
matingkad sa igting,
sa alab ng ningning,
at pinakislap ng luha
na masuyong nakihalo sa pula
tila talulot ng rosas
na hinahalikan ng hamog,
at ikaw,
sa lamlam ng mga mata,
at ibayo ng kaba,
ano ang kulay ng lansangan
kung wala ang iyong ngiti?
at paano ang mga pangarap
na hinangad mong kaytagal
sa ilalim ng mga tala
kasaliw ang kawalang-malay
ng kabataan mong kumakaway pa rin
sa likod ng mga pagmumuni,
paano ang diyamanteng hiyas,
na naguhitan ngayon
ng bahid ng pula
sa gitna ng kanyang kinang?
kaydaling itapon
ang mga kristal na basag,
ngunit huwag,
bagkus itanghal ito,
tawagin siyang
tala ng sapiro,
ang mga lamat kadalasan
ang nagpapatingkad sa kagandahan,
at ikaw,
para sa iyo,
narito ang alay kong kalasag:
isang walang hanggang pagsuyo.