kailan ba tayo magkikita,
mag-uusap nang muli?
umaga na’y tulog pa rin
ang diwa kong giniginaw,
walang mayakap kundi
panaginip kong hilaw;
pipiliting tatayo at maliligo,
lalabas ng bahay,
kahit na ba isip ko’y nakaunan pa rin
sa naaalalang ikaw;
tanghali na’y gutom pa rin
sa ‘yong mga ngiti,
kulang ang dalawang kanin
at sinigang,
maging Gatorade ay ‘di na kayang
patirin ang uhaw;
darating ang hapon
at ang init ng araw sa batok,
pero puso ko’y nanginginig
sa ‘di-pangkaraniwang lamig
ng pag-iisa ng aking paglalakad
sa UP Diliman;
at ayan, darating ang takipsilim,
sama-samang nagbibiruan
kaming aalis ng tambayan,
pero naiiyak pa rin
ang mga mata kong sabik sa ‘yong mukha,
at ang ngiti ko’y drowing lang na pangit
dahil ikaw ay wala
upang paningningin ito;
gabi, bago matulog,
paano ako mahuhulog
sa maginhawang pahinga
samantalang wala akong baon
kundi ang panis na nating pag-uusap,
mag-iisang sem na?