huwag kang mabibighani
sa pag-ibig,
nakabubulag ang tawag
ng kanyang tinig,
may mas mataas pang lingkod
na nangangailangan,
may iba pang maisasayaw
ang plumang tangan.

may mutyang nakatira
sa mga estero,
maliit, minamaliit,
at pinaliliit ng abuso;
may madlang pinakakain
ng wala,
“bahala na ang Diyos”
ang kanilang
tula.

marurunong ding umibig
silang uto-uto,
“pakakasalan kita, maniwala ka,
iboto mo ako”;
ang hindi nila alam,
mayroon din hangganan
ang magtiis;
sa pagkaubos ng makakapitan,
may patalim, bala, baril, at kalis.