gawan mo ng himig ang mga kataga
ng iyong pagpili,
bigyan ng hininga ang mga salita
ng pangakong kandili;

gawing isang awit ang buhay mong
tula
na ngayon ay iigkas,
isang bagong kulay na isasadula
sa bago mong landas;

ang himig ng himno ng iyong pag-ibig
ay buo na ngayon,
at akay ng isang matipunong bisig,
walang dapithapon

ang babagabag pa sa iyong mga araw,
at dala ng pangarap,
ikaw ay papanday ng marikit na bukas
sa duyan ng ulap.

ganap ka nang lawin na tinitingala,
ito ang araw mo,
sa duyan ng lakan na siyang katipan
sa pangakong pagsuyo,

abutin mo ang langit, abutin ang abot
nitong uniberso,
at ipagmalaki sa buong sansinukob:
“kasal na ako!”