ang pamumukadkad ng umaga
sa liwanag,
ay may kaakibat na bulong ng ginaw,
at ang hamog sa mga talulot,
ay tila malalamig na luha,
o pawis ng takot,
patotoo ng dilim na nagdaan,
at ng mga itinatago nitong lagim,
at agam-agam.

ngunit gaya ng isang mandirigma,
na iigkas nang buong giting
sa layuning magpalaya,
gayundin ang pangako
ng bukang-liwayway,
at sa pagrorosas ng silangan,
kaakibat ng tilaok ng tandang,
at halimuyak ng amihan,
ikaw ay gigising
at palalayain
mula sa bawat salimuot
ng buong gabing bangungot.