tula


tumatawa si pipay
sa dilim ng gabi,
kasama si pipoy
sa ilalim ng anino
ng mga kumpol na dahon
ng sampalok.
lumalangitngit
ang kawayan na datar,
umaangal tila
sa nagdadanting mga katawan,
o marahil
umuungol sa inggit,
habang nagtakip ng mata
ang mga bituin,
at nagtago sa ulap
ang namumulang buwan;
sabay sa panginginig
sa ginaw ng haplos ng hangin,
muling nabasag
ang isang imahen
ni maria.

lumabas ang itlog,
puting pinulot,
inipon, ibinenta,
binili.

hinugasan ang itlog,
niluto, binalatan,
inihain.
kinain.

pagkatapos,
tinapon ang balat.

at nanood ng tv.

ilang sisiw na kaya
ang naantala
dahil dito?

mga maharlikang manok
na ganu’t ganon lang
inilaglag
at nilimot.

gaya ng mga tula
na naitatapon
ng pagwawalang-bahala:

tulang tinta,
tulang bayani,
tulang mapagpalaya.

paano kaya
ang pagkaluto
nitong tula
ng buhay mo?

dalawang buwan na kaybilis
mula sa maalinsangang hangin,
at mga maalikabok na kalsada,
kay tahimik dito,
hindi ako mapalagay
sa kay luwag na langit,
sa kayliwanag na paligid,
hinahanap ko ang musika
ng mga tambutsong mauusok
at mga nagsisigawang mga drayber,
ang takatak ng mga kahoy na kahon
ng mga nagtitinda ng yosi at kendi,
at maging ang mga mapangahas
na pagpasok ng mga gusgusing bata
upang kunwaring punasan ang mga sapatos
at paa,
hanap ko ang musika ng lungsod
ng maynila;

iba ang hangin dito,
tuyo at walang haplos-lamig,
hindi ka pagpapawisan
bagkus magkakaliskis ang iyong mga kamay;
hindi ko na maisip
kung bakit ako dati nagrereklamo
sa mga maalinsangang tanghali
at mga magdamag na bentilador
na mainit pa din magbuga ng hangin;

naaasiwa ako
at hindi ako makalanghap
ng amoy ng estero;
nasaan na ang mga pang-araw-araw
na aking karanasan
sa kahabaan ng taft avenue?

tag-init ngayon,
hintayin ko raw ang tag-niyebe.

ngunit paano?
samantalang sa pinaliit na mundong ito
ay alam kong naglulunoy sila
sa ulan at baha,

hindi ko malimot
ang manghang pagtitig ko rati
sa takip ng imburnal
na umaalagwa
sa dami ng laman niyang baha…

dito, araw-araw ay may nagkukumpuni
ng kalsada at kanal;
aasa ba akong makita ‘yon muli
dito?

nasanay akong ang pag-ayos ng kalye
ay ginagawa lamang
pag may eleksyon;
minsan sinilip ko ang mga trak
at mga pison
kung kaninong pangalan
ang nakalagay sa proyekto…
wala akong makita, kahit isa.

saka ko naisip–
wala na talaga ako
sa bayan ko.

hindi ko rin maisip kung kailan
nang huli akong kumain ng manok
nang hindi ito itinatapon
nang hindi basag ang mga buto
at sipsip ang utak nito…
dati-rati, mahihirapan ang langgam
maghanap ng makakain sa aking tira;
ngayon,
hindi ko matanggap
na walang makikinabang
sa laman-laman pang naiwan
sa aking pinagkainan.

hinahanap ko ang luha
upang pighatian ang ganitong kalagayan
samantalang sa aking iniwanan
ay may mga naghihikahos
makaamoy lamang
ng ulam.

sabi nila
walang payat na ‘merkano…

alam ko na ngayon
kung bakit ganito.

maya-maya lamang
tatakbo akong muli
at magmumuni-muni…
kung bakit isang linggong kinikita
ng maliliit na empleyado
dito
ang isang buwang pinagpapaguran
ng propesyunal
sa aking bayan.

noon, ay baha ay alinsangan,
ngayon,
tuyong hangin at kabusugan.

mayroong mali rito, alam ko.
hindi ko lang alam
kung pa’no sabihin ito.

bakit nagmamadali ka? saan ka pupunta?
sandali lamang, makinig ka muna;
tignan mo ang paligid, dumidilim na.
ipagpabukas mo na lang kung aalis ka talaga.

hindi maghihintay sa akin ang panahon.
mayro’ng tawag-tungkulin, may haharaping hamon.

ang bilis mo mag-isip, ang daming nais matapos;
sandali lamang, huwag basta hahangos
sa mga larangan nang padalos-dalos;
gumagabi na, baka ka matisod.

walang bukas-bukas, iisa lamang ang ngayon;
mayro’ng tawag-tungkulin, may haharaping hamon.

hindi madali ang mabuhay sa gubat;
sandali lamang, mayro’n ka nang sugat.
anong bala itong di ko maawat ang tagas?
namumutla ka na, di pa ba yan sapat?

may tawag-tungkulin pa, may haharaping hamon;
ibinigay ko na’ng lahat, ngunit kulang pa ‘yon.

bakit kay tahimik mo? ano’ng iniisip?
sandali lamang, bakit ka nakapikit?
lumuluha ka pa sa pananaginip;
nasa’n na ang sigla? nahan na na ang bilis?

kayrami pang hamon, at tawag-tungkulin;
di ko inakalang ako’y papagalin.

bakit ka nasa sulok? bakit nagmumukmok?
sandali lamang, bakit nakalugmok?
at nahan na’ng pluma, at tulang pandagok?
nahan na’ng mga tanong, at ang mga sagot?

lintik! ano ka ba? huwag mo ‘kong guluhin!
sawa na ‘ko sa hamon, pati sa tungkulin!
hindi ba’t noon ay pinapatigil mo ako?
bakit naman ngayon ay itinutulak mo?

ang boto ng konsensya
ay ang boto ng marunong,
ang boto ng ayaw ikompromiso
ang kanyang ideyalismo.

ang hindi ko matanto
ay kung bakit laging talo
ang boto ng konsensya
pagdating sa madla.

ngunit ito ba ang tunay?
o ito lang ba ang kulay
na inilalagay ko sa aking boto
sapagkat siya ay natalo?

si salonga, at si roco,
at si roco.
tatlong ulit, tatlong boto,
sa dalawang tao.

sino ang magsasabi
na hindi ko pinili
ang tumpak at magaling
kahit di sila wagi?

ngunit si tabako,
at si bigote, at si nunal
ang mga nanalo.
banal na pagkapili? o pinanalo ng hangal?

at ngayon, isang muling igkas,
isa kayang bagong bukas
ang hatid ng teknolohiya
at ng tinta sa aking kuko?

at ang kulay ng bukas kaya
ay ano?
kahel ba? o dilaw? o bughaw?
luntian? o baka naman pink?

ewan ko…

ngunit kung sakaling manaig
ang konsensya sa madla,
at manalo ang tumpak at ang tama,
siya pa din kaya
ang tunay na boto ng konsensya?

siguro ang tunay na tanong,
ay kung ano ang kulay
ng konsensya ng madla….

pilipino ako.
pandak.
maitim.
hindi kasimbilis kung tumakbo
sa mga matangkad na banyagang
gaya mo.

ngunit huwag mong ituloy
ang pag-angat ng kilay mo.
huwag mong isipin
na sa pakikipag-usap sa ‘yo
ay ang pitaka mo ang habol ko.

pilipino ako.
may sariling wika.
may sariling tula at awit.
dugo ng mga bayani
ang nananalaytay
sa aking mga ugat.

kaya’t huwag mong ituloy
ang mapanyurak mong sambit.
huwag mong sabihin
na ang aming kababaihan
ay nabibili lamang upang pakasalan,
at ang aming kalalakihan
ay pawang mga basurero lamang.

pilipino ako.
may angking talino.
kagaya mong tao.
magkaiba man ang kulay ng balat
pag tumabi ako sa yo,

gayunpaman huwag mong isipin
na mas mataas ang kaluluwa mo sa akin.
huwag mong maliitin
kapag ako’y magmungkahi
ng mas maigi sa binigay mo.
ang araw at bituin
ay hindi umiinog para lamang sa ‘yo.

pilipino ako.
dating indio, dating unggoy.
dating parausan ng mga kawal at prayle,
dating alila ng mga mapang-aping bansa,
dating baboy, dating pokpok, dating mail-order bride.
noon.
nabighani mo kami dati
sa tangos ng iyong ilong,
at sa kinang at kalansing ng ginto mo at pilak.
hindi na ngayon.

kaya’t huwag mong sabihin
na gayu’t gayon pa din
kaming kagaya mong
nabubuhay sa maliit na mundo,
na araw-araw pinaliliit
ng teknolohiya’t internet.

kung hindi mo kayang tingnan
ako bilang tao,
pustahan tayo… at ipapangako ko:
pupuwingin kita
sa galing ko.

kaytipid mo ngumiti;

di ko alam kung bakit
ito ang unang napansin
nang makilala ka;
ano ba ang lumbay na ibinubulong
ng iyong mga mata?

naimbento na ang ngiti,
alam mo ba?
pili ka ng daliri, dali,
kikilitiin kita;
pero siko naman ang pipiliin mo.

nagpapaubaya ka naman,
kapag kasama,
sa hiling na ngiti;
at sapat ang pagod ng libong biro
kapag namasdan na
ang pagkislap ng ligaya
sa iyong mga mata…

pinanood kita,
minsan,
paghiwalay natin…

nang mag-isa ka na,
ang ngiting paalam,
dahan-dahang dumilim,
at nawala.

Naunang PahinaBagong Pahina »

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.