sanaysay


Ang nais ko sana ay gumuhit ng tula gamit ang iyong pangalan, ngunit hindi ko kinaya, kaya ganito na lang. Talaga naman e, na totoo yung narinig mo, sana lang sa akin mo narinig yun nang tuwiran. Habang halos matunaw sa takot ang sarili ko nang malaman ko ang nangyari, isa lang ang aking panalangin noon, na harinawa di ka maglahong parang bula. Ewan ko ba, alam ko naman, inasahan ko naman, na darating ang araw na malalaman mo at lalayo ka, dahil ganun lagi ang kwento ng buhay ko. Ngayong nangyari na, eto ulit ako takot mawala ang matagal ko nang alam na mawawala balang araw. Ayoko pa ring mawalan ng pag-asang liligaya ako pagdating ng araw, kahit na lagi na lamang lumalayo ang mga mutyang napili kong gawing inspirasyon.

Basta, ganun ako eh, isang walang-pag-asang romantiko (hopeless romantic). Una akong napunitan ng puso noong ako ay grade six, at pinanood kong papalayo nang papalayo ang una kong minahal nang kami ay grumadweyt at di ko na sya nakitang muli nang higit dalawang dekada. Eto, nang magkita kami muli may pamilya na sya. Ngayon, halos di ko na mabilang ang mga minahal ko at pumunit nitong aking puso, at alam ko, mas malaki ang posibilidad na gayundin ang kahihinatnan ko sa yo. So what, ang mahalaga naman eh ang katapatan ng damdamin di ba? “Upang maunawaan mo”, iyon lang ang nais ko, ang maunawaan mo bakit pinipili ko pa ring mahumaling sa mga hindi makakapagsauli ng aking damdamin sa kaniya.  Corny, di ba, pero okey lang, tanggap ko naman yun. Engot ako pagdating sa ganito eh. Sobrang mahulog, walang pakialam sa sugat at sa mga bali-baling buto. Ordinaryong tao, ordinaryong kapangitan, ordinaryong karukhaan, at aasang mapansin at mahalin ng maharlikang gaya mo.

kahibangan, alam ko. pero mahal na kita eh, ano’ng magagawa ko?

alam mo ba ang pakiramdam ng mawalan ng isang bagay na hindi mo inaasahang mawawala sa iyo? at pagkatapos ng mahabang panahon ay parang bulang bigla mo itong matatagpuan muli? nangyari na ba ito sa inyo? naaalala ba ninyo kung ano ang inyong naramdaman? may sapat bang salita upang lubos na maglarawan ng inyong damdamin? sa akin, wala. walang wala.

madalas na akong nawalan ng mga gamit, lalo nung aking kabataan. sapatos, laruan, isip, halos lahat na atang bagay na pwedeng mawala ng isang bata, nawala ko. ngayong ako ay hindi na matatawag na bata, ganun pa rin. madalas pa rin akong mawalan— ng pera, ng oras, ng pagkain, ng liligawan… parang katulad tuloy ako ng bata sa awiting “hari ng sablay” (sa mga nakapanood na ng bidyo nito, alam ninyo ang ibig kong sabihin), na pagtanda ay akala mo wala na, tapos na ang kanyang kasablayan. pero hindi pa rin pala. ganun naman eh, natuto ka ngang iwasan ang mga napagdaanan mo nuong bata ka pa, pero maraming bago, maraming bagong paraan upang ikaw ay sumablay muli. ganun din sa akin, andami pa palang bagay na pwede kong walain, kagaya ng cellphone, at mga kaibigan.

ngunit kagaya sa talinghaga ng pastol na nagbunyi at nagdiwang nang muli niyang natagpuan ang nawalang tupa, gayundin ang nais kong gawin ngayong muli ko nang natagpuan ang isang bagay na akala ko ay hindi ko na muli pang makikita. ito ang bagay na tinanong din sa akin ng isang kaibigan ko sa text (textmate kung tawagin ng karamihan)– “ano ang gagawin mo kapag bigla kang makatanggap ng email mula sa kanya”? madaling sagutin kapag ang nawawala ay patuloy na nawawala. ngunit kapag nariyan na siyang muli…. ah, kayganda ng paligid! kay ligaya ng lahat!

hindi ko minamaliit ang sinisismo (cynicism) at kabiguan ng mga patuloy na bigo. galing na rin ako sa larangang ganyan. ngunit paminsan-minsan, alam ko ring damhin ang kaligayahan ng isang nangitian ng mundo, kahit isang saglit lamang, kahit panandalian lang. carpe diem, ika nga. sunggaban mo ang sandali! (o, kagaya ng sabi ng isa kong kaibigan, “mga kapre sila!”, pero siyempre sarili niyang diksyunaryo ang gamit nya) malay ko bang baka bukas ay tag-ulan na naman sa mundo ko, di ba?

ngunit sa katotohanan lang, mawala na ang lahat ng materyal na bagay sa mundo, kahit na ang blog na ito ay malusaw at hindi na matagpuang muli, hindi ko ito panghihinayangan (well, sa totoo lang maiiyak din ako) basta ang mga bagay na tunay na mahalaga para sa akin ay patuloy kong madarama— ang simoy ng basura sa payatas, ang kagat ng isang dalmatian sa aking binti, ang tusok ng karayom sa aking gulugod, at iba pang mga kabaligtaran ng mga ito, alam ko, makakaya ko pa ring ngumiti. lalo ngayon, kahit ngayong araw lamang, alam ko kaya kong bunuin at pagtagumpayan ang lahat ng kapre sa mundo!

maligayang kaarawan! oo, dapat lamang na ikaw ay bigyang pugay sa araw na ito, na siyang araw ng iyong kapanganakan. araw ng iyong pagkasilang.

ngunit ilang ulit ba maisilang ang isang tao? paano masasabi na ikaw nga ay tunay nang isinilang at nabubuhay? may mga kilala akong matatanda na at ang ilan pa nga’y may mga sarili nang pamilya, ngunit sa aking palagay ni hindi nila alam na sila ay naisilang na o nabubuhay.

madaling maglitanya sa mga kaisipang wala namang mapanghahawakang solidong katibayan. ang mga kaisipan gaya ng muling pagkasilang, halimbawa, ay tunay ngang nakakatawa kung iisipin o ituturing mong literal ang pagkaibig sabihin. ang muling pagkabuhay, laluna. sino na ba ang nakakita ng isang patay na muling nabuhay? ngunit napakaraming naniniwala nito, at kabilang na ako.

ngunit ang mga kaisipang ganito, bagama’t sa agham ay katawa-tawa at hindi karapat-dapat bigyan ng pansin, ang siyang mga kaisipang nagbibigay sa atin ng kinakailangang lakas at motibasyon upang magpatuloy sa ating paglalakbay sa mundong ito. ang paniniwala sa di-nakikitang langit, ang takot malagak sa di-nakikitang impiyerno, ang pananampalataya sa isang Maykapal na halos lahat ay natatakot na masalubong sa kalsada, bawat isa sa mga ito’y may sariling silbi at papel sa pagpapanatili ng pag-asa sa mga mababait, pag-aatubili sa mga masasama, at patuloy na pagsulong ng sangkatauhan.

kung kaya’t ang bawat pagsilang ay natatangi at ipinagdiriwang. bawat isang kaluluwang naidaragdag sa sanlaksang bilang ay isa pang patak ng pag-asa, isang pang patak ng kinabukasan na kapwa nating pinapangarap na marating.

kung kaya’t ano man ang iyong pagkasilang ngayon, na iyong nais ipagdiwang, ay ipagdiwang mo nang buo at dalisay. ialay mo sa mga bagay na nais mong pag-alayan, sa mga taong nais mong gawing kanlungan ng pagmamahal at pagkalinga. walang masama rito. hindi naman kailanman ginawang itapon ang mga perlas sa mga baboy, at ang iyong ligaya at pag-asa ay mas mahalaga pa sa perlas at diamante, esmeralda at rubi.

itanghal mo at ipagdiwang ang araw na ito, ang araw na pag-alaala ng iyong naging pagsilang sa mundong ito. ialay sa iyong inspirasyon, at ipagdiwang sa anumang paraan mong nais.

maligayang kaarawan, kaluluwang balot pa rin ng pighati at latay ng mga latigo’t luha. heto ang tinik, iyong ngasabin na parang lapid’s freshly-popped chicharon. heto ang apdo, iyong inumin na gaya ng a&w root beer float. at heto ang kalamansi, ibuhos mo sa bawat sugat upang hindi mo malimot na isang ibong adarna ang nag-o-oyayi sa iyo upang limutin ang mga haplit at hagupit ng muhi sa iyong nakaraan. maligayang kaarawan, kaluluwang palpak!

nakatutuwang isipin na ikaw ay nalulungkot sa mga bagay na kung ihahambing sa lawak ng uniberso ay hindi man lamang ito singliit ng alikabok… paliparin mo ang iyong kamalayan at hayaan nitong abutin ang mga kasagutan sa mga tanong ng di-maarok na kasaysayan, gaya ng “ano ang walang hanggan” at “ano ang ilang taon sa tabi nitong kawalang hanggan”, “ano ang aking saysay sa mundong ito” at “ano ang uulamin ko mamaya”. ang mga tanong na ito ang tunay na magbubukas ng mga pintong hindi mo inasahang nakapinid pa pala, at ang mga kasagutang matatamo mo ay magbubukas ng iyong mga mata sa tunay na kahulugan ng kagandahan, pag-ibig, at luha. ang hapdi ng mga sugat na sa ngayon ay akala mong lalamon sa iyo at hindi na maghihilom ay napakaliit na galos lamang kung ihahambing sa mga nakaambang latay ng hamon ng buhay na naghihintay pa sa iyo. naghahangad kang makasumpong ng kapayapaan at pag-imbi ng kirot sa iyong dibdib. ngunit sinasabi ko sa iyo, mapalad ka at ikaw ay nakararamdam pa ng kirot at pait, sapagkat ibig sabihin nito’y hindi ka pa manhid sa mga walang kapakundanganan ng mga kapwa mo tao, na mga kaibigan mo pa ang ilan. ngunit kung ang gagamba ay walang imik na muling babangon at maghahabing muli ng kanyang sapot matapos lusawin ng hangin at ulan ang katatapos niya lamang mabuong pinaghirapan, bakit ikaw na anghel, ikaw na isang baitang lamang ang layo mula sa mga nilalang ng langit, ay agad mababawian ng tapang sa sandaling kapalaluan ng taksil na pangako? masdan mo ang mga bulaklak sa parang, na kahit sasandaling panahon lamang ang kanilang inilalagi sa mundo ay ginugugol ang panahong iyon upang kulayan at pahalimuyakin ang buong kaparangan. o di kaya’y ang batong ipinukol sa tahimik na tubig, na sa kanyang pagkalunod ay nag-iiwan ng mga bilugang alun-alon na papalaki at papalawak, at mula sa gitna ng lawa, maging ang pasigan ay mahihipo ng mga along yaon na iniwan ng napakaliit na bato. ikaw ay mas maharlika sa mga ito. ikaw ay mas matayog at mas matingkad ang dala-dalang liwanag sa iyong kaibuturan. bakit mo hahayaang madaig ka ng mga panandaliang haplit ng hapdi? bakit hindi mo iangat ang iyong noo at sabihin sa madla at sa palalong babilonia na ikaw na anak na babae ni israel ay hindi kailanman padaraig at padadala sa mga pagkutya at tinig ng putikan! ikaw na maharlika, ikaw na sultana at lakan, ikaw na prinsesa at babaylan, pakatandaan: huwag mong hayaang sa huwad lamang mapupunta ang ginto at perlas ng iyong mga pangarap. may naghihintay sa iyo, higit at higit pa sa rurok ng kakayahan mong matanto. at kukunin niya ang iyong mga kamay, papahirin ang iyong mga luha, patitingkarin ang ngiti ng iyong kaluluwa, at walang hangganang aalagaan ang iyong dalisay na puso.

malay mo magkatotoo, di ba? ikaw pa…

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.