sulat tayo ng tula!
ako ang bahala
sa mga salita;
pasasayawin ko sa papel na ito
at paiiyakin ang pluma ko’t henyo,
at ang mga linya’y babagu-baguhin
at paiikutin
hanggang sa ang bawat kataga ay magningning!

sulat tayo ng tula!
at pipigain ko
ang angking talino;
pagagalawin ko sa mga talata
at pasasayawin ang bawat akala,
at ang bawat puso na makakabasa
at makauunawa
ay mabibighani at mapapahanga!

sulat tayo ng tula!
sa ‘yo ang bahagi
ng mutyang lakambini;
ilalarawan ka sa bawat na tugma
at itatanghal ka sa buong balana,
at ang bawat tainga na makakarinig
at na maaantig
ay ‘di na magsasabing ‘di ako umibig!

sulat tayo ng tula!
at ang buong mundo
ang saksi ng awit ko;
magpapatotoo ang ulap at tala
at buwan at araw at sangkanilikha,
na ang bawat kinang at kislap sa awitin
ng aking damdamin
ay ikaw ang dahilan at tanging tungkulin!

at walang ibang awit at tulang katha ko
ang muling magniningning, kung ‘di para sa ‘yo.

nakita na naman kita,
ang ngiti mo,
ang iyong mga mata,
at ang iyong galaw
na sa bawat mong hakbang
ay parang indak,
parang sayaw.

ayaw na kitang makita.

kasi darating ang gabi
at kailangan mong magpaalam,
at maiiwan na naman ako
sa mga guni-guning
gunita ng iyong tinig,
na bawat kataga
ay parang awit,
parang oyayi
at magdamag na naman akong nakatitig
sa mga bituin,
inaalala ang iyong ngiti,
at ang iyong pangalan.

ayaw kitang ma-miss.

sapagkat darating ang umaga,
at ako’y magmamadali
at muling aasa,
na makita mo’t makawayan,
kahit na hindi mo alam
na kinikilig ang buo kong paligid
sa bawat mong ngiti sa akin.

at lalong hindi ko nais
na umibig sa iyo.

sapagkat nakita kita kahapon
maligayang naglalakad,
kasama ang iyong
kadaupang-palad.

mabuti pa ang ulan
alam ang kanyang patutunguhan.

pababa, pabasa, palunod.

hindi tulad ng aking isip
na nagliliwaliw sa panaginip.

papagala, papaaklat, papag-ibig.

mabuti pa ang ulap
alam ang kanyang pupuntahan.

palupa, pabayan, palungsod.

hindi tulad ng aking mga kabata
na nilisan na ang inang lupa.

papag-asa, papalipad, paparangya.

mabuti pa ang ilog
alam ang kanyang tutungkulan.

paragasa, palawa, padagat.

hindi tulad ng pamahalaan
na puro kurakot ang alam.

pagahaman, padamihan, walang pakialam.

habang nagsisilunod
ang sambayanan.

isang umaga siya ay nagising,
luntian sa mata ng mundo,
ngunit ginto
sa kanyang sariling paningin.

isang umaga siya ay namulat,
sambutil ng buhangin
sa mistula
ng kinalagakang pasigan
ng maitim na dagat;
ngunit isa raw siyang bundok
sa sariling akala.

isang umaga, pag-ahon ng araw,
siya ay nagulat
sa kulay at amoy ng gutom na parang
sa kanyang harapan;
at siya ay nagpasiyang
siya ay kailangan.

isang umaga nga,
ang luntiang buhangin
ay lumusong na kusa…

at siya ay nilulon
ng uhaw na akala.

kapag ang panahon ay dumating
na ang dibdib ay makanti at dumaing,
wawakasan mo ba ang pagpikit,
sa hapdi ng haplit at hagupit?

may panahon ang pag-atras at pag-alis,
‘pag kaya pang h’wag bunutin ang kalis,
ngunit sa pag-ibayo ng pag-alab at pagpintig,
may umagang mas marapat ang pagtindig.

hindi ka man bayani sa ‘yong mata,
may puso ka pa ri’t kaluluwa,
at sa taghoy ng tawag ng ina,
sinong anak ba ang ‘di pupunta?

kapag ika’y tawaging magtindig,
handa ka bang ialay nang bigkis
ang puso mo’t isipan at bisig,
ipagpalit ang pluma sa bala’t kris?

bakit hindi sapat
ang pagsusumikap
nang mag-isa?

binabasa ko naman
ang Mabuting Balita
at saka nagsisimba,

nanalangin din
saka ang bahagi Niya
ay binibigay,

sapat na dapat ‘to
upang matanggap ko
ang walang-hanggang buhay…

bakit kailangan pa
na kalingain ko
ang aking kapwa,

lalo’t ayaw namang
tanggapin at pakinggan
ang paanyaya?

bakit nararapat
na aking dalawin
ang kanyang tahanan

lalo’t nagtatago
o kaya’y kukutyain
ang pakikipagkaibigan?

bakit tutulungan ko
ang taong nanakit
sa aking damdamin?

kung may sakit man siya,
ba’t ko ipagdarasal
nang taimtim?

di ba’t pinila niya
ang kanyang sinapit
na siphayo?

bahala na lang siya
sa buhay niyang taglay,
at sa ‘kin, ako.

pero bakit ako
ay ‘di mapalagay
sa damdamin?

ano pa bang dapat
na aking ibigay
at gawin?

“ang magpatawad ka
upang patawarin
din kita,

“at nang ang wangis ko
ay kanilang makita
sa ‘yong mukha.”

nakatutuwang isipin na ikaw ay nalulungkot sa mga bagay
na kung ihahambing sa lawak ng uniberso
ay hindi man lamang ito singliit ng alikabok…

bakit hindi mo paliparin ang iyong kamalayan
at hayaan nitong abutin ang mga kasagutan
sa mga tanong na di-maarok ng kasaysayan,
gaya ng
“ano ang walang hanggan”
at “ano ang ilang taon sa tabi nitong kawalang hanggan”,
“ano ang aking saysay sa mundong ito”
at “ano ang uulamin ko mamaya”.

ang mga tanong na ito
ang tunay na magbubukas
ng mga pintong hindi mo inasahang
nakapinid pa pala,
at ang mga kasagutang matatamo mo
ay magbubukas ng iyong mga mata
sa tunay na kahulugan
ng kagandahan, pag-ibig, at luha.

ang hapdi ng mga sugat
na sa ngayon ay akala mong lalamon sa iyo
at hindi na maghihilom
ay napakaliit na galos lamang
kung ihahambing sa mga nakaambang latay
ng hamon ng buhay
na naghihintay pa sa iyo.

naghahangad kang makasumpong
ng kapayapaan
at pag-imbi ng kirot sa iyong dibdib.

ngunit sinasabi ko sa iyo,
mapalad ka
at ikaw ay nakararamdam pa
ng kirot at pait,
sapagkat ibig sabihin nito’y
hindi ka pa manhid
sa mga walang kapakundanganan
ng mga kapwa mo tao,
na kaibigan mo pa ang ilan.

ngunit kung ang gagamba
ay walang imik na muling babangon
at maghahabing muli ng kanyang sapot
matapos lusawin ng hangin at ulan
ang katatapos niya lamang mabuong pinaghirapan,
bakit ikaw na anghel,
ikaw na isang baitang lamang ang layo
mula sa mga nilalang ng langit,
ay agad mababawian ng tapang
sa sandaling kapalaluan ng taksil na pangako?

masdan mo ang mga bulaklak sa parang,
na kahit sasandaling panahon lamang
ang kanilang inilalagi sa mundo
ay ginugugol ang panahong iyon
upang kulayan at pahalimuyakin
ang buong kaparangan.

o di kaya’y ang batong ipinukol
sa tahimik na tubig,
na sa kanyang pagkalunod
ay nag-iiwan ng mga bilugang alun-alon
na papalaki at papalawak,
at mula sa gitna ng lawa,
maging ang pasigan ay mahihipo
ng mga along yaon na iniwan
ng napakaliit na bato.

ikaw ay mas maharlika sa mga ito.
ikaw ay mas matayog
at mas matingkad ang dala-dalang liwanag
sa iyong kaibuturan.

bakit mo hahayaang madaig ka
ng mga panandaliang haplit ng hapdi?
bakit hindi mo iangat ang iyong noo
at sabihin sa madla
at sa palalong babilonia
na ikaw na anak ni israel
ay hindi kailanman padaraig at padadala
sa mga pagkutya at tinig ng putikan!

ikaw na maharlika,
ikaw na sultan o sultana, babaylan o lakan,
ikaw na prinsipe o prinsesa,
pakatandaan:
huwag mong hayaang
sa huwad lamang mapupunta
ang ginto at perlas ng iyong mga pangarap.

may naghihintay sa iyo,
higit at higit pa
sa rurok ng kakayahan mong matanto.

at kukunin niya ang iyong mga kamay,
papahirin ang iyong mga luha,
patitingkarin ang ngiti ng iyong kaluluwa,
at walang hangganang aalagaan
ang iyong dalisay na puso.

lumalamig na ang gabi, ligaya,
ikaw pa rin,
bakit nariyan, nakayuko, nagsusulsi ng bulsa…

“at bakit hindi, baldomero,
kung ikaw nga,
sa pagpipiga ng pera, kahit na barya, ay subsob ang ulo…”

nakatulog na sa pagod si neneng, ligaya,
bakit mo tinikis
ang luha’t hinagpis ng gutom nang paslit…

“at ano’ng gagawin ko, baldomero,
kung maging ako nga
ay tuyot na’t wala nang maigatas sa bata…”

lumalalim na ang lagom sa paligid, ligaya,
nag-aabang ka ba
sa yabag ng lasing at walang kuwenta kong paa…

“at ito ba’t kasalanan, baldomero,
ang maging tulad ko,
na umasa’t umibig sa isa palang diyablo…”

inaantok na ang alulong ng aso, ligaya,
nakaluhod ka pa
sa tabi ng tarangkahang sinandalang tabla…

“tama na’t manahimik, baldomero,
at hatinggabi na,
may tutong at tuyo riyan, ipaghahain kita…”

may takipsilim na walang dalang bituin,
at ang tanging lambong ay ang kumot ng dilim;
ito ang paggabi nang tahimik ang hangin,
at ang alinsangan ay nagbubunga ng lagim.

may takipsilim na hindi mulat ang buwan,
at ang kaskas-bulong ng kuliglig ay impit,
ito ang pag-ihip ng lubos na kawalan,
at sino ang hindi kakapitan ng pait?

may takipsilim na walang dalang sinag,
at tanging ang bangungot ang tunghay sa pag-idlip;
pilit mang magmulat, ang tanging banaag
ay ang guni-guning siyang anak nitong lirip.

may takipsilim na badya’y walang-hanggan,
at ang tawag-taghoy ng tinig sa kawalan
ay hindi nagsasauli ng sambit; hanggang kalian
mananaig ang tapang sa paglamon ng lamlam?

may panahon at sandali na ang nagtatanghal
ng kalis ay madadaig, kahit na magpagal;
ito ay ang pagtikom ng makata sa tula,
ito ay ang pagpinid ng pag-asa sa madla.

——

minsan, nawawalan ng pag-asa ang isang bayani sa kanyang mga kababayan; sa tulang ito, sinubukan kong ilarawan ang damdamin ng isang tila nagpapaliwanag kung bakit tatalikuran na niya ang kanyang sinimulang adhikain.

Ang nais ko sana ay gumuhit ng tula gamit ang iyong pangalan, ngunit hindi ko kinaya, kaya ganito na lang. Talaga naman e, na totoo yung narinig mo, sana lang sa akin mo narinig yun nang tuwiran. Habang halos matunaw sa takot ang sarili ko nang malaman ko ang nangyari, isa lang ang aking panalangin noon, na harinawa di ka maglahong parang bula. Ewan ko ba, alam ko naman, inasahan ko naman, na darating ang araw na malalaman mo at lalayo ka, dahil ganun lagi ang kwento ng buhay ko. Ngayong nangyari na, eto ulit ako takot mawala ang matagal ko nang alam na mawawala balang araw. Ayoko pa ring mawalan ng pag-asang liligaya ako pagdating ng araw, kahit na lagi na lamang lumalayo ang mga mutyang napili kong gawing inspirasyon.

Basta, ganun ako eh, isang walang-pag-asang romantiko (hopeless romantic). Una akong napunitan ng puso noong ako ay grade six, at pinanood kong papalayo nang papalayo ang una kong minahal nang kami ay grumadweyt at di ko na sya nakitang muli nang higit dalawang dekada. Eto, nang magkita kami muli may pamilya na sya. Ngayon, halos di ko na mabilang ang mga minahal ko at pumunit nitong aking puso, at alam ko, mas malaki ang posibilidad na gayundin ang kahihinatnan ko sa yo. So what, ang mahalaga naman eh ang katapatan ng damdamin di ba? “Upang maunawaan mo”, iyon lang ang nais ko, ang maunawaan mo bakit pinipili ko pa ring mahumaling sa mga hindi makakapagsauli ng aking damdamin sa kaniya.  Corny, di ba, pero okey lang, tanggap ko naman yun. Engot ako pagdating sa ganito eh. Sobrang mahulog, walang pakialam sa sugat at sa mga bali-baling buto. Ordinaryong tao, ordinaryong kapangitan, ordinaryong karukhaan, at aasang mapansin at mahalin ng maharlikang gaya mo.

kahibangan, alam ko. pero mahal na kita eh, ano’ng magagawa ko?

Bagong Pahina »